Alam mo ba ‘yong pakiramdam na gusto mong sabihin sa isang tao na mahal mo siya pero wala naman ng lakas ng loob? Nakakaasar di ba? Lalo na kapag may chance na pero naipit pa ang dila. Grabe, tindi ng pawis, ‘yong malamig pa! Tulad nung pawis kapag biglang natatae habang nabyahe sa NLEX.
Hirap kasi! Halimbawa, nasabing mahal ko siya tapos nagtanong ng bakit. Anong isasagot? Kahit noong nag-aaral pa ako ayoko na ng reasoning. Eh kung di pa satisfied hahaba lalo at baka makagawa pa ako ng essay.
Hindi naman kasi nadadaan sa salita lang ang LOVE. Tulad ng pag-ihi, ang LOVE dapat ginagawa hindi iniipon lang sa loob at lalong di pwedeng sabihin lang ng sabihin pero wala namang actual. Hirap di ba? Sayang din ang emotional investment kung hanggang tingin lang.
Ganda ng gising ko kaninang umaga. Ganda nga ng ngiti ko e. Mas maganda pa sa ngiti ng may ginawa kagabi. Pero nasira lang sa isang text msg! Sobrang bad news! Nasira ang pangarap kong sunrise at sunset kasama ang taong mahal ko.
Buntis si Shirie! Tinakbuhan daw ng nakabuntis. Anak ng kumikinang na kulisap! Takbo ako sa tindahan kahit butas ang aking short. Wala akong pakialam kung may lumawit man. Nagpaload ako. Wala ng unli-unli. Tawag agad kay Bertong usngal. Kung tutuusin magkalapit lang ang bahay namin pero mas gusto ko siyang kausap sa telepono. Lagi kasing tag-ulan ang klima kapag kausap siya.
Kumpirmado! Buntis! Sabi ni Berto, kaopisina daw ni Shirie ang ganador. May pahatid-hatid pa daw noong una pero noong nagpositive sa exam na ayaw pumasa, naglaho na. Madami pa akong tanong pero natameme na si Bertong Usngal. Naubusan na pala ako ng load.
Takbo agad ako sa bahay nina Shirie. Wala ng alinlagan. Inilabas ko lahat ng aking adrenalin. Gusto kong malaman ni Shirie na huwag malungkot dahil sa kabila ng lahat may nagmamahal pa sa kanya. Handa akong panagutan kung ano man ang di kayang gawin ng lalaking kumembot lang at umalis na. Dito ko mapapatunayan ang pagmamahal ko. Hindi dahil nabuntis siya ng iba ay mawawala na ang pagmamahal ko. Ganun ang LOVE. Matatanggap lahat. Hindi maramot at kayang mapagparaya.
“Shirie!” sigaw ko nang makita ko siyang papasok ng gate. Hingal na hingal ako pero kakayanin kong pang sabihin ang lahat.
“Oh Nathan, Napasugod ka?”
“Nakarating sa akin na buntis ka daw.”
Natigilan si Shirie. Gulat sigurong nakarating na agad sa akin ang balita. “Kanino mo naman nabalitaan ‘yan.”
“Hindi na mahalaga. Ang gusto kong malaman mo na mahal kita. Handa akong panagutan ang pinagbubuntis. Sana lang malaman mo na hindi magbabago ang pagmamahal ko sa’yo sa kabila ng pinagdadaan mo. Ayokong maramdaman mo na wala ng nakakaintindi o dadamay sa’yo sa mga ganitong pagkakataon.”
“Pero Nathan…”
“Hindi ako humingi ng mabilis na sa kasugatan.” Hindi ko hinayaan makapagsalita muna si Shirie. Gusto kong malaman niyang makakapaghintay ako.
Hinawakan ako ni Shirie sa balikat. “Huwag kang mag-alala.” Ramdam ko ang kaba sa aking dibdib takot ako sa rejection. “Hindi ako buntis. Sino naman nagsabi niyan sa’yo? Si Berto? Niloloko ka lang nun!”
Sobrang haba ng lintanya pero pinagtitripan lang pala ako. Naiimagine ko na tulo laway si Berto habang gumugulong sa katatawa. Shet! Nakakahiya! Men, alam mo yung pakiramdam kapag nantitrip? Sobrang saya di ba? Pero kapag ikaw ang subject, mamumula sa hiya! Hindi ako makagalaw. Naalala ko pa na butas nga pala ang aking shorts. Kahit siguro lata ng sardinas di ko matatalon.
“Oo. Gawa gawa n’ya lang siguro…”
“Ano nga ulit sinasabi mo kanina?”
“W-wala. ” Iisa naman ang dila ko, magbubuhol pa sa kaba. “Sige, aalis na ako.”
“Nasabi ko kay Berto na gusto kita dahil sa truth or consequence..” pahabol niya. “Kaya siguro pinagtripan ka nya.”
Ow syet.. Moment ko na. Matutupad na ang pangarap kong sunrise at sunset kasama si Shirie. Hindi na ako mag-iisang kakain ng champorado sa umaga, “You mean pwede tayo?”
“Ligawan mo muna ako.” Nakangiting sabi nya.
“Kahit araw-araw pa..” May pakinabang din pala si Bertong Usngal. Siguro ramdam niya na mas duwag pa ako aso nilang batik batik kaya naisipan niyang pagtripan.. Lakas lang ng loob ang kulang sa akin kaya pinangunahan na niya ako.. Kaya kapag dalisay ang pag-ibig, go agad. Kuha mo?