Lola! Este Ate! I.D. mo po nahulog! Sigaw ko sabay kaway sa babaeng lilingon-lingon at hinahanap ang pinang-galingan ng boses ko. Nang makita niya ako ay agad siyang ngumiti at lumapit.
“Ano ba naman yan napaka-tanga ko talaga!” sabi niya.
“Hindi naman masyado” biro ko.
Sabay abot sa kanya ng napulot kong I.D., pero bago ko tuluyang iabot, syempre kailangan ko munang malaman pangalan niya.
“Pauline A. Marasigan”
Within split second nabasa ko yun sabay abot at ngiti.
“Uyy salamat ah…”sabi niya.
“Arfy, second year I.T. student” dugtong ko.
Dahil sa alam kong naghahagilap din siya ng pangalan kay nag pakilala narin ako.
Sabay kaming nag-lakad sa corridor tahimik at marahan, nagkwentuhan tungkol sa ibat-ibang bagay pero hindi ganon kahaba ang corridor ng skwelahan, may hangganan din ito tulad ng buhay. Tumigil siya sa pag-lalakad at tinanong ako.
“So Arfy saan room mo? Diyan lang kasi ako sa room 5302.”
“Ay ganun ba, sa kabila pa ako room 2307, medyo malayong lakaran.” sabi ko.
Pero bago ako tuluyang umalis at magpa-alam sa kanya. Kailangan matandaan ko ang mukha niya. Kaya sumulyap ako sa napaka amo at mala-anghel niyang mukha. Ultimo nunal sa mukha niya di ko pinalampas pati korte ng ilong at kung paano siya ngumiti. Kulang nalang yata bilangin ko ang ngipin niya. Pero dahil sa kyuryusidad ko tinanong ko kung ilang taon na siya.
“Siyanga pala Pauline, ilang taon ka na?”
“Uhm, I’m 17 bata pa, kaya wag ka munang magbalak.” agad niyang sabi.
Wow defensive. Napangiti ako sa sinabi niya pero hindi yun ang pakay ko. Pagkatapos ng napaka-habang pamama-alam ay didiretso na ako sa room. Pero bigla kong narinig ang pangalan ko. Sabay lingon.
“Arfy! Nice meeting you. Take care.”si Pauline.
“Same to you!” pasigaw kong sagot.
Habang nagla-lakad, napaisip ako, ayos na sana kaso parang may mali. Napansin ko kasi yung buhok niya, kaya nasabi ko kaninang Lola. Yup! Tama ka, may konting puting buhok na siya sa ibang salita. May uban na siya. Di ko akalaing kahit pala mga kabataan ay pwede naring tumanda ng wala sa oras. Akalain mo yun 17 may maputi ng buhok. Ayon sa aking knowledge habang naglalakad. Sanhi daw yon ng problema, stress at puyat. Ibig sabihin mas problematic pa siya kesa sa akin. Kung pag-ibig ba hanap niya well nasa akin yan. At kung puyat naman, palagi naman akong puyat pero di naman pumuputi buhok ko, eye bag lang ang nangingitim. Siguro stress lang talaga, super duper stress, at kung papaano siya na stress well abay malay ko. Ako din nai-stress pero wala namang maputing buhok.
Well mga kaibigan sa panahon ngayon lahat ay pwedeng posible at ang imposible nagiging possible parin. Ganyan na ang panahon ngayon, sabi nga nila baliktad na daw.
Diyan na nga kayo, baka malate pa ako.